Hustisyang Para Lang sa Mayaman


Hustisyang Para Lang sa Mayaman


            Hustisya. Isang maikling salita ngunit mabigat ang kahulugan. Ano nga ba ang hustisya? Ang hustisya o katarungan ay tumutukoy sa katuwiran, pagiging wasto o kawastuhan, katumpakan, at pagkakapantay-pantay ng mga tao sa harapan ng batas o sa harap ng isang hukuman. Kung ang hustisya ay ang pagkakapantay-pantay ng mga tao sa harapan ng batas o sa harap ng isang hukuman, bakit tila mailap ito sa mga mahihirap at ordinaryong Pilipino? Sa mga nangyayari sa bayan natin ngayon, di natin maipagkakaila na naglaho na ang salitang pagkakapantay-pantay sa harap ng hustisya.

            Maraming balita ang naglipana kung saan sangkot ang mga opisyal ng gobyerno o mga makapangyarihang tao sa mga kaso ng kurapsyon, plander at iba pang mga kabulastugang gawain ngunit ni isa sa mga taong ito walang naparusahan at karamihan ay nakakalusot. Tulad na lamang ng nangyari sa Maguindanao Massacre, lumipas na ang walong taon ngunit wala pa ring napaparusahan sa 197 na akusado sa pagkamatay ng 58  na tao ayon sa Inquirer. Sa karumaldumal na krimeng ito, niisa sa mga akusado na karamihan ay mga opisyal katulad ng mga Ampatuan, wala pa ring napaparusahan. Mabagal lang ba ang hatol ng hustisya o sadyang wala lang talagang kinasuhan sa mga makapangyarihang taong ito dahil sila ang batas?


            Isa pang patunay na hindi pantay ang hustisya sa lahat ay ang tungkol kay dating senador Juan Ponce Enrile. Si Enrile ay naaresto noong February 27, 1990 dahil sa papel nya sa pagtangkang kudeta noong Disyembre ng 1989 kung saan 100 tao ang namatay. Nakulong nga si Enrile ngunit buhay mayaman pa rin ito sa kulungan. Binigyan si Enrile ng air-conditioned na kulungan, telepono, kompyuter, at makalipas ang isang linggo, nakalaya na si Enrile pagkapos magbayad ng 100,000 piso. Saan na napunta ang pantay na hustisya o kahit hustisya man lamang sa pangyayaring ito?


Sadya nga namang hindi patas ang hustisya para sa lahat dahil ang iba nakukulong na nga, buhay mayaman pa rin. Pero kung mga ordinary at mahihirap na mamamayan na ang nasasangkot, nagiging mas mabilis pa sa eroplano ang paghahatol ng “hustisya” sa mga taong ito. Kahit hindi pa nakakasuhan o nabibgyan ng utos ng pagdakip, hindi na kinukulong bagkus pinapatay na sila kaagad. Hindi na dinadaan sa tamang proseso na inilalahad ng batas at basta basta nalamang pinapatay ang mga taong ito.

Isang magandang halimbawa ay mga Extra-Judicial Killings o EJK na nangyayari sa ating bansa. Ang extra-judicial killings ay ang pagpatay sa isang tao ng mga awtoridad na walang pahintulot ng isang hukoman o legal na processo. Sa ulat ng Rappler, 7,080 ang kabuan ng mga taong namatay dahil sa #WarOnDrugs ng pamahalaan at 2,555 ang kabuan ng mga taong pinaghihinalaan na sangkot sa druga. Ang talamak na kaso ng EJK sa ating bansa ay nagpapakita sa hindi pantay na pagbibigay hustisya o pagpataw ng batas sa mga mahihirap at ordinaryong tao dahil karamihan sa mga napapatay ay mga mahihirap o mga ordinaryong tao lamang. Ang palaging sagot ng mga awtoridad at pulis kung bakit napatay ang isang akusado ay dahil nanglaban ito ngunit wala namang katunayan na talagang nanglaban ang mga ito.  Talaga namang nakakalungkot ang mga nangyari sa mga taong ito at hindi na maibabalik ang buhay nila ngunit karapat-dapat lang na makuha nila at ng iba pang biktima ng hindi pantay na hustisya ang hustisyang nararapat sa kanila.



            Ang pantay na hustisya para sa lahat ay isang napakahalgang pangangailangan ng ating bansa ngunit hindi ito naibibigay. Kayraming tao ang sumisigaw ng hustisya ngunit iilan lang ang naririnig. Marami ang minamanipula ang batas at hustisya ngunit niisa walang nahuhuli kahit harap-harapan na itong ginagawa. Hangang kalian ba tayo magbubulagbulagan sa hustisyang tanging mayayaman lang ang nabibigyan? Kailan ba tayo kikilos upang masugpo ang hindi pantay na hustisya? Bukas? Kung saan huli na ang lahat o ngayon kung saan may magagawa pa tayo? Putulin na natin ang ugat ng hindi pantay na hustisya at ipaglaban ang hustisyang nararapat sa atin.


Isinulat ni: 
Krisha Mae Castillanes

Comments